Ni Jasper Lloyd Joloan
![](https://static.wixstatic.com/media/0eb92a_7160b7f03645452d8676d0d5bfe8bf6f~mv2.png/v1/fill/w_940,h_788,al_c,q_90,enc_avif,quality_auto/0eb92a_7160b7f03645452d8676d0d5bfe8bf6f~mv2.png)
Babad na ba ang mata mo sa ilang oras na klase? Namimiss mo na ba ang bonding ng iyong barkada? Nahihirapan ka na bang laging expired ang load mo? Gusto mo na bang matapos ang krisis ng pandemya?
Nitong nakaraang Setyembre ay nag-anunsyo na inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang pagbubukas ng klase sa publiko. Matatandaang siya ay nangako na sa oras na makamit natin ang herd immunity at ma-flatten ang curve ng kaso ng CoVID-19 ay magiging bukas siya sa usapan ng pagbabalik ng face-to-face classes. Ayon kay DepED Secretary Leonor Briones, nag-aalala lang ang pangulo patungkol sa kalusugan ng mga bata kaya noong nabanggit na susubukan ang initial Phase ng face-to-face classes nitong Agosto ay pinagpaliban muna bagkus ay naghanap sila ng alternatibong paraan para sa gayon ang mga bata’y natututo kahit nasa loob ng bahay. Ito ay naisakatuparan naman sa pamamagitan ng modular at online classes.
Ngayong nasa huling quarter na tayo ng taon at nasa 24.3 milyong indibidwal na ang nabakunahan, naghahanda na ang Department of Education sa muling pagbabalik-eskwela. Ang inisyal na bilang na pumasa sa health standards ng DepEd ay nasa 120 paaralan sa buong bansa na kung saan ang kaso ng CoVID ay tuluyan ang naging pagbaba. Ang inisyal na petsa na binigay ng DepEd ay sa darating na Nobyembre 15 na tatagal ng dalawang buwan at tinatayang magtatapos ng Enero 31 sa susunod na taon.
Maraming mga magulang ang naglabas ng komento patungkol sa ginawang hakbang ng DepEd dulot ng nangamba, may natuwa sapagkat nahinto ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil sa pandemya at maaaring maging gastos kung nagpatuloy at may ibang magulang namang handang sumugal sa planong ito ng DepEd.
Ang kahirapan ay hadlang sa pag-aaral, maraming nawalan ng trabaho, maraming bata ang hindi nakasabay sa online learning, “no one left behind” ang platapormang isinusulong ng DepEd ngunit halos kalahati ng mga aktibong mag aaral ng face-to-face ang piniling tumigil na lamang upang tumulong sa kanilang mga magulang sa usaping pinansyal.
Sa pagtatangka ng DepEd na ituloy ang pilot testing ay mas maraming bata ang mabibigyan ng oportunidad na muling makapag-aral. Sana sa muling pagbubukas ng eskwelahan, nawa’y handa silang harapin ang bagay na kahihinatnan nito sapagkat ang ating bansa ay patuloy paring lumalaban sa krisis na dulot ng CoVID-19.
Comments